Samo’t Dalangin
Parang may anino ng duda
sa laylayan ng mga ulap,
isang umagang
gumising akong may kakaibang
katiyakan at pag-asa.
Di ko mawari kung sisikat ba
o hindi ang araw sa likuran nila.
Habang ako’y matapat na nag-alay
ng pinagtagni-tagning bersong
umalingawngaw lamang sa kawalan
ng daigdig at sarili,
binuksan kong parang pahina
ng sinaunang aklat
ang mabigat at marupok
kong damdamin.
At ang piping bukang liwayway
ay walang ibang tugon
kundi nakabibinging katahimikan
at isang mabining ambon
na tila hinahawi
ng maputlang bahaghari.
Public Domain Image Mountain Alps Cloudy Sky
Latest posts by Ferdie L. Eusebio (see all)
- Ang K’wento ni T’nalie* - November 15, 2024
- Sa Bubóng ng Pag-asa - November 15, 2024
- Eklipse - November 10, 2022